Tinawag ni Atty. Levi Baligod na “mukhang defensive” si Senator Kiko Pangilinan at ang asawa nitong actress-singer na si Sharon Cuneta dahil sa naging reaksiyon ng mga ito sa paglabas ng picture ng kanilang pamilya sa kalagitnaan ng presentation ng 22 nagpakilalang dating bodyguards ni former congressman Zaldy Co.

“Totoo naman na walang comment ang mga sundalo sa particular picture na ito, pero kung makapag-react sila at mga fans nila ay mukhang defensive tuloy,” sabi ni Baligod.

Paglilinaw ni Baligod, walang komento at hindi inakusahan ng mga dating bodyguard si Pangilinan kaugnay ng flood control kickback scheme.

Matatandaang sa press conference nitong Hunyo 16 ay sunud-sunod na ipinakikita sa presentation ang litrato ng mga pulitiko, na ayon sa mga dating bodyguards, ay hinatiran umano nila ng male-maleta ng pera.

Ipinakita rin ang litrato nina Pangilinan at Sharon, kasama ang kanilang mga anak at ilang empleyado ng Misibis Bay Resort na nagpa-picture sa kanila—at umugong ang reaksiyon ng mga taong nasa venue.

Ikinagalit naman ni Pangilinan, maging ng Megastar, ang insidente at nagbabala ang senador na mananagot ang mga nagdadawit sa kanya sa flood control projects scam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *