Sinabi ni dating senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV na ilang buwan pa ang hihintayin bago mailabas ng International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest laban kay Senator Christopher ‘Bong’ Go.
“Kung mayroon man, mga ilang buwan pa ang aantayin natin, kasi malayo-layo pa bago maabot ang threshold. ‘Yung evidence na requirement ng ICC bago mag-issue ng warrant ay certainty of conviction,” paliwanag ni Trillanes.
Sa panayam sa DZRH ngayong Biyernes, Hunyo 19, ipinaliwanag ni Trillanes na nangangailangan ang ICC ng mas malalas at komprehensibong ebidensiya bago maglabas ng warrant of arrest bilang “certainty of conviction,” kumpara sa mas mababang pamantayan na “probable cause” na ginagamit sa mga lokal na korte.
“Tuluy-tuloy pa rin po ‘yung imbestigasyon nila [ICC]. Kaya ‘yung pagkalap ng mga dokumento, pakikipag-usap sa mga testigo, ay tuloy-tuloy pa rin,” ayon kay Trillanes.
“As long as ‘yung krimen ay ginawa noong miyembro pa tayo covered pa ‘yun ng jurisdiction at sinang-ayunan ng Korte Suprema,” dagdag pa ng dating senador.
Nilinaw ni Trillanes ang usapin sa arrest warrant ng ICC laban kay Go makaraang sabihin ni Davao City 1st District Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte na naglabas na umano ang ICC ng warrant para kay Go at sa dalawang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Pinabulaanan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinabing ito ni Duterte.
