Nasa 32 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi ang ebidensiya o ang batas ang magiging basehan ng pasya ng senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa survey ng OCTA Research.

Batay sa survey, na isinagawa noong Abril 20-24 pero isinapubliko nitong Huwebes, Hunyo 18, nasa 19 porsiyento lang ng mga respondents ang naniniwala na magiging evidence-based ang hatol ng mga senador sa impeachment case ng Bise Presidente.

Nasa 49 porsiyento naman ng mga respondents ang nagsabing hindi sila tiyak sa kanilang sagot, o wala pa silang opinyon kaugnay ng posibleng pagpapasya ng mga senator-judges sa impeachment trial.

Batay sa survey, pinakamataas ang “skepticism” o pagdududa sa Mindanao, habang pinakamataas naman ang antas ng “uncertainty” o kawalan ng katiyakan sa Metro Manila at Balanced Luzon.

Ayon sa OCTA Research, ipinapakita ng resulta na nananatiling limitado ang kumpiyansa ng publiko sa magiging pangangasiwa ng Senado sa impeachment trial.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *