Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ngayong Biyernes, Mayo 15, na si Senator Robinhood Padilla ang ikinokonsiderang “person of interest” sa kinaroroonan ngayon ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
“Sabi ko nga, kung meron pong unang-unang dapat tanungin, na-identify naman na si Senator Robin Padilla ‘yung kasama. Siya po ‘yung pinaka-person of interest to shed light sa whereabouts po ni Senator Bato,” sabi ni Matibag.
Madaling araw nang lumabas sa Senate building sa Pasay City si Dela Rosa, at kinumpirma ni Senate Sergeant-At Arms Mao Aplasca na kasama ng senador si Padilla at sumakay ang dalawa sa sasakyan ni Padilla.
Wanted si Dela Rosa ng International Criminal Court (ICC) sa crimes against humanity for murder.
Humihingi na ng gabay ang NBI sa Department of Justice (DOJ) sa mga susunod na gagawin kaugnay ng usapin.
“In the proper time gagawin po natin ‘yan. Malinaw naman po ‘yung sinasabi namin lagi na we are following instructions from the higher-ups, sa DOJ po ‘yung pinaka-main coordination dito so doon po tayo,” ani Matibag.
