“Mabigat ang ebidensya na iniharap laban sa pangalawang pangulo at hindi nya ito nasagot dahil pinili nyang maging absent sa lahat ng hearings kaya hindi na kataka-taka na nagkaisa ang boto para sa probable cause,” ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin.

Mariing itinanggi ni House Deputy Speaker Janette Garin na may naganap na bayaran o pamimilit sa naging desisyon ng Committee on Justice na i-impeach si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Garin, malinaw na ang unanimous vote na 53–0 ng panel ay bunga ng bigat ng mga ebidensyang iniharap laban sa Bise Presidente, gayundin ang walang katotohanang mga alegasyon tungkol sa umano’y ₱1.3bilyong “appearance fee” para sa mga miyembro ng komite.

Dagdag pa niya, hindi nasagot ni VP Sara ang mga isyung ibinato sa kaniya dahil pinili nitong hindi dumalo sa mga pagdinig, kaya hindi na nakapagtatakang nagkaisa ang boto para sa probable cause.

Giit ni Garin, layunin lamang ng mga paratang na ilihis ang atensyon mula sa rekord ng komite dahil ang naging desisyon ay nakabatay sa mga ebidensya at hindi sa anumang pera o dikta.