Pumalo na sa 425 gasolinahan sa bansa ang nagsara bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Biyernes, Marso 27.

“Sa araw po na ito March 27, 2026, ang kabuuan ng nagsaradong gas stations ay umabot po ng 425. Kahapon, ito po ay bumaba sa numero na 387, ngunit ito ay nadagdagan sa araw na ito ng 38,” ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño.

Ayon pa kay Tuaño, kasalukuyan nang minomonitor ng pulisya ang 14,485 gas stations sa buong bansa sa gitna ng nararanasang krisis.

Samantala, anim na kaso na ang naisampa laban sa ilang gasolinahan sa Arteche at Llorente sa Eastern Samar; Guinobatan, Albay; Placer, Masbate; Sta. Cruz, Davao del Sur; at Guimba, Nueva Ecija, matapos lumabag ang mga ito sa mga panuntunan laban sa hoarding, overpricing, paglabag sa trademark, at unfair competition.

Dagdag pa ng PNP, mas pinaigting ng pulisya ang pagbabantay sa mga gasolinahan, fuel depot, at iba pang kritikal na imprastraktura para mapigilan ang mga ilegal na gawain at matiyak ang tuloy-tuloy na akses ng publiko sa mahahalagang serbisyo.

Ulat ni Brit Cezar