Isang sulyap sa kinabukasan ng medisina: Artificial intelligence (AI) ang bagong susi sa pag-recover ng isang paralisado.
Malaki ang naging tulong ng AI kay Keith Thomas, 45-anyos, ng Long Island na naparalisa dahil sa isang malagim na aksidente, tatlong taon na ang nakararaan. Dahil sa tulong ng A.I., ang dating paralisadong katawan ni Thomas ay nagbalik-normal na. Para kay Thomas at kanyang pamilya, ito ay maituturing na isang himala.
Sa isang panayam ng NBC News Now, napag-alaman na naaksidente si Thomas noong 2020 habang siya ay nasa swimming pool kung saan naparalisa ang kanyang katawan – mula leeg pababa.
Ayon sa kapatid na babae ni Keith, na nag-alaaga sa kanya mula nang siya ay bed-ridden pa, nananalangin na lang sila para humaba pa ang mabuhay at manumbalik sa normal, kahit paunti-unti, ang kalusugan ng kaniyang kapatid.
Subalit sa pamamagitan ng modernong teknolohiya sa larangan ng medisina gamit ang AI, muling nakadama at nakakilos ang mga kamay ni Keith.
“I am in such a better place now,” emosyonal na wika ni Keith. Sa gitna nito, umaapaw ang pasasalamat niya sa Northwell Health team, na tumulong sa kaniya para manumbalik ang kaniyang pagkilos at pandama na matagal ding nawala.
Ayon kay Chad Bouton, na siyang nasa likod ng clinical study, si Keith ang unang niyang pasyente sa AI matapos itong pumayag na maisalang sa pag-aaral.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na ginamit ang ganitong uri ng modern medical technology para matulungan ang isang taong naparalisa.
Sa operasyong tumagal ng 15 oras noong Marso 2023, tinamnan ng limang “microchip” ang utak ni Keith. At sa tulong ng AI computer technology, muling naidugtong ang kaniyang utak sa kaniyang spinal cord at iba pang nervous system ng katawan.
“We actually had to have Keith awake, during the small portion of the surgery. He has been able to tell us that he felt his thumb, he felt his finger,” anang isang doktor na tumulong sa miracle surgery.
Paliwanag ng mga doktor, nagsisilbing “electronic bridge” ang mga microchips na ibinaon sa utak na Keith na nagbibigay senyales sa mga bahagi ng kaniyang katawan para makadama at makagalaw.
“I didn’t think that it was possible at first,” pagtatapat ni Keith sa kaniyang interview, “all of this movement.”
Dahil sa naturang operasyon, mas bumubuti na ang lagay ni Keith at umaasa ang kaniyang pamilya na magbibigay na ito ng isang magandang simulain sa kanilang mahal sa buhay na matagal ding nahirapan sa kanyang pisikal na kondisyon.
Subalit, hindi lamang si Keith ang inaasahang mababago ang buhay sa bagong teknolohiyang ito kundi ang daan-daang milyong paralisado sa buong daigdig.
“Keith is showing the world that it is possible [to move again],” ani Bouton.