Pinangunahan ng Presidential Communications Office (PCO) ang paglalagda ng memorandum of understanding (MOU) sa pagpapatupad ng Media and Information Literacy (MIL) na gagamitin ng iba’t ibang ahensiya gobyerno laban sa disinformation campaign at pagkalat ng fake news.
Pinagunahan ni PCO Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ang signing ceremony kung saan ang magiging katuwang ng kanyang tanggapan ay ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Social Welfare and Development (DWSD).
“We are not merely embarking on a mission; we are empowering a collective endeavor to exemplify the power of a whole-of-nation approach, and indeed, a whole-of-society commitment,” pahayag ni Garafil.
Katuwang ang digital media industry, puntirya ng Marcos administration na labanan ang misinformation at disinformation na karaniwang nagiging mitsa hindi lamang ng kalituhan ngunit maging sa pagkakawatak-watak ng mga mamamayan.
Ito ay dahil madali nang maka-access ang lahat sa digital information kasama ang online news at social media
“Sisimulan po natin ito sa ating mga kabataan dahil sila ang pinaka exposed sa digital landscape at sa mga panganib nito. Sa pamamagitan ng Media and Information Literacy Campaign, bibigyan natin sila ng mga kasangkapan upang kritikal na makapagsuri at makapagvalidate ng mga pinagmulan ng mga impormasyon, at malaman ang pinagkaiba ng mga mapanlinlang na kasinungalingan mula sa katotohanan,” giit ng PCO chief.
Magsisimula ang kampanya sa mga paaralan bago ito dalhin sa mga komunidad kung saan magsasagawa ng talakayan sa mga lokal na opisyal at residente upang gabayan sila sa tamang paggamit ng digital technology at kasabay nito, alamin din ang kanilang responsibilidad at pananagutan sa pagpapakalat ng impormasyon.