Pormal nang inilunsad nitong Huwebes, Hulyo 10, ang Online Driver’s License Renewal (ODLR) application ng Land Transportation Office (LTO) na magagamit na ng mga motorista simula ngayong araw.

“Actually, available na ito. ‘Yung mga magre-renew sa inyo puwede nang gamitin ng mga kababayan natin ito starting today,” pahayag ni DOTr Secretary Vivencio “Vince” Dizon.

Pinangunahan ni Dizon kasama si Land Transportation Office (LTO) acting chief Atty. Greg Pua Jr. ang launching ceremony na ginanap sa Bulwagang Romeo Edu sa LTO Central Office sa Quezon City.

At dahil gamit ang online technology, sinabi ni Dizon na maging ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa ibang bansa ay maaaring mag-renew ng kanilang Philippine driver’s license na hindi na kailangang umuwi sa bansa.

Nagpalabas ng isang tutorial video ang LTO kung paano gamitin ang ODLR app sa pamamagitan ng pagbukas ng eGov.PH application.

Doon maaaring kumuha, mag-set ng appointment para sa physical exam, mag-upload ng medical certificate, at kumuha ng driver’s exam matapos mapanood ang Comprehensive Driver’s Education learning materials para makakuha ng Certificate of Completion sa Driver’s Enhancement Program.

May option din ang mga aplikante na ipa-deliver o kaya’y personal na kunin ang kanilang bagong lisensiya sa tanggapan ng LTO.