Ikinatuwa ni House Speaker Martin Romualdez ang pagpapalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) coverage sa iba’t ibang gamutan, kabilang ang dialysis, kidney transplant, at sakit sa puso.

“Alam ko ang hirap ng pamilya kapag may pasyenteng nagda-dialysis—madalas, kailangang mamili kung magpapagamot o kakain. Ngayon, hindi na sila kailangang mamili,” sabi ni House Speaker Martin Romualdez.

Sa isang pahayag nitong Martes, Hunyo 24, ibinalita ni Romualdez na itinaas pa ng PhilHealth ang suporta nito sa hemodialysis sessions, na mula sa 90 ay 156 na ngayon kada taon, sasapat sa tatlong beses kada linggong gamutan.

Itinaas din ang reimbursement sa kada session, na ang dating ₱2,600 ay ₱6,350 na ngayon — kaya pumapalo na sa halos ₱1 milyon ang taunang sinasagot ng PhilHealth sa gamutan ng mga dialysis patients.

Ang sagutin sa peritoneal dialysis ay itinaas din sa ₱500,000 kada taon para sa adults at ₱1.2 milyon naman sa mga bata. Sasagutin din ang pediatric kidney transplants ng hanggang ₱2.1 milyon habang ang adult transplants ay may mahigit ₱1 milyon coverage.