Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam ng katao, kabilang ang anim na Indian at tatlong Pinoy, na sangkot diumano sa “assume balance-talon” na kinasasangkutan ng mga sasakyang hinuhulugan sa bangko na bumabagsak sa kamay ng sindikato.
Kinilala ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang tatlong Pinoy na naaresto na sina Teotima Batutay, Rose Torion, at Michael Castulo. Habang ang anim na Indian na sangkot din umano sa sindikato ay sina Sajjan Sarkar, Sai Charan, Kulvatnh Thati, Gayatri Sarma, Ray Anand, at Nithin Kamepalli.
Naaresto ang siyam na suspek, na nahaharap ngayon sa kasong carnapping at syndicated estafa, sa isinagawang entrapment operation sa isang lugar sa Parañaque City.
Ayon kay Santiago, nag-ugat ang kanilang operasyon sa reklamo ng isang vehicle owner na ibinenta diumano ng grupo sa ibang indibidwal ang sasakyan kahit wala silang awtorisasyon sa pamamagitan ng “pasalo (assume balance)” scheme.
“Sinalo” diumano ng MCars ang sasakyan at ibinenta ito kay Batutay na kalaunan ay ipinasa rin kay Castulo. Samantala, hindi nagtagal ay na-mortgage rin ang sasakyan nina Castulo at Sarkar kay Anand sa halagang P120,000.
Sa puntong ito, hinabol na ng bangko ang complainant dahil hindi na ito nakababayad ng amortization subalit hindi na nito maibalik ang sasakyan dahil wala na ito sa kanyang pangangalaga.
Nakahanap ng paraan ang complainant para makausap si Castulo upang mabawi ang sasakyan na hinahabol ng bangko ngunit humingi diumano ito ng P450,000 para ibalik niya ito sa kanya.
Dito na humingi ng tulong ang complainant sa NBI National Capital Region (NCR) dahilan upang magsagawa ng entrapment operation sa isang casino hotel sa Parañaque noong Hunyo 24 kung saan nabawi ang pinagpasahan na sasakyan. (Photo courtesy of National Bureau of Investigation)
