Sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na proclamation rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Laoag City, Ilocos Norte, nitong Martes, Pebrero 11, ay may sinabi ito na tila tungkol sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa anak nito na si Vice President Sara Duterte.

“Tingnan niyo po ang record ng ating mga kandidato, wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbulsa ng sako-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan at mamatay,” saad ni Marcos Jr.

Inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na wala umano sa mga kandidato ng nasabing alyansa ang umano’y may “bahid ng dugo dahil sa tokhang,” at “kasabwat sa pagbulsa ng sako-sakong pera,” at pinabayaan umano ang taumbayan sa panahon ng pandemya.

Kaugnay ito sa madugong “war on drugs” ng administrasyong Duterte kung saan libu-libo ang naging biktima ng extrajudicial killings (EKJs) o “tokhang” na ngayon ay iniimbestigahan na ng International Criminal Court (ICC).

Wala rin umano sa mga kandidato ng alyansa ang sumusuporta sa China, “natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda (at) ninanakaw ang kanilang mga huli.”

Ulat ni Ansherina Baes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *