Bagama’t kumpiyansa na si House prosecutor at 1-RIDER Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez na sapat na ang ebidensyang nakalap sa mga pagdinig ng Kamara, bukas umano sila sa karagdagang impormasyon na magpapatibay sa kanilang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ni Gutierrez na ang impeachment case ay isang administrative case at hindi isang criminal case, at ang parusa sakaling mapatunayang “guilty” ng impeachment court ay pagtanggal sa puwesto at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang puwesto sa pamahalaan.

Ayon kay Gutierrez, gagamitin umano nila ang mga legal mechanism upang makakalap ng ebidensya. Halimbawa, kung gagamitin ng impeachment court ang kapangyarihan nitong mag-subpoena, bukas ang mga kongresista sa mga bagong impormasyong lulutang sa mga pagdinig.

Kabilang sa mga ebidensyang nais nilang makuha ay bank records ni Duterte.

Samantala, ang pirma ng 240 mambabatas sa Articles of Impeachment ay sapat na patunay sa tiwala ng Kamara na ang mga ebidensya ay susuporta sa mga nasabing article, ayon kay Gutierrez.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *