Kinuwestiyon ni Taguig City Rep. Pammy Zamora ang pagkakasama ni House Speaker Martin Romualdez sa mga kinasuhan ng graft kaugnay ng umano’y iregularidad sa 2025 national budget gayung hindi naman miyembro ng budget bicameral conference committee si Romualdez.

“The Speaker (Martin Romualdez) isn’t even part of the bicam. So, sana po nilinaw po nila ‘yung kinasuhan nila. Kung tungkol talaga sa bicam ang kanilang kaso, hindi po parte ng bicam ang Speaker,” sabi ni Zamora.

Pebrero 10 nang sinampahan ng reklamo ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, kasama ang iba pang kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte, sina Romualdez, House Majority Leader Mannix Dalipe, dating House Appropriations Committee chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pa, kaugnay ng umano’y insertions na wala sa report na pinirmahan at inaprubahan ng mga kongresista at senador na miyembro ng bicam.

Bukod sa pagpuntirya kay Romualdez sa kaso, kinuwestiyon din ni Zamora kung bakit walang kahit isang senador na isinama sa mga kinasuhan gayung mga senador ang pangunahing kumikilos sa bicam meeting.

Naghain ng reklamo sa mga kongresista ang mga kaalyado ng pamilya Duterte limang araw makaraang i-impeach ng 215 miyembro ng Kamara ang anak ng dating pangulo, si Vice President Sara Duterte dahil sa iba’t ibang high crimes na pawang grounds for impeachment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *