Sinabi ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na kilalang kaalyado ng pamilya Duterte, na wala itong magagawa kung hindi maging “neutral” kapag umakto na siya bilang isa sa mga huwes sa impeachment court ng Senado na lilitis sa mga akusasyon laban kay Vice President Sara Duterte.

“Alam naman natin na itong impeachment ay isang political exercise. But still as a sitting judge, I have to maintain my political neutrality,” sabi ni dela Rosa.

Ito ang binitawang pahayag ni dela Rosa matapos maihatid ngayong Miyerkules, Pebrero 5, ng hapon ni House Secretary General Reginald Velasco sa kanyang counterpart sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara.

Dalawangdaan at labing limang kongresista ang lumagda sa Articles of Impeachment na lagpas sa itinakdang 102 votes, o katumbas ng one-third ng Kamara, upang maiangat ang impeachment complaint sa Mataas na Kapulungan.

Ikinalungkot naman ng senador ang timing ng impeachment. “Andaya! Kami nandito para maging judge ng impeachment court. Samantalang sila ay mangangampanya lang,” sabi niya.

Ipinaliwanag pa ni Sen. Bato na obligadong umupo bilang judge ng impeachment court ang 24 na senador sakaling umusuad na ang pagdinig laban kay VP Sara sa Mataas na Kapulungan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *