Naniniwala si Vice President Sara Duterte na may mga “dapat ayusin, dapat baguhin” sa Pilipinas sa ngayon kaya seryoso niya umanong ikinokonsidera ang pagkandidatong presidente sa 2028.

“I’m seriously considering running in the 2028 Presidential Election dahil sa mga nakikita natin sa bayan natin na dapat ayusin, dapat baguhin. Kailangang maging competitive tayo sa mga kapitbahay natin dito sa ating region,” ani Duterte.

“I really believe that our country will be great… mahirap siyang ipaintindi sa ating mga kababayan, mahirap ‘yung kailangan nating gawin kasi you really had to stand firm especially with government policies para maayos siya,” sabi ng Bise Presidente nang makapanayam sa ‘Frontline Pilipinas.’

Tuluy-tuloy na sumadsad noong 2024 ang trust at performance ratings sa iba’t ibang surveys, inianunsiyo ni VP Sara ang plano niyang kumandidato sa pagkapangulo kasunod ng pagtitipun-tipon ng mahigit 40,000 katao sa EDSA People Power Monument at EDSA Shrine nitong Sabado, Pebrero 1, upang igiit ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

Nahaharap si VP Sara sa tatlong impeachment complaints sa Kamara, partikular na inirereklamo sa hindi niya maipaliwanag na paggastos sa P612.5-million confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023—kabilang ang P125 milyon na ginastos niya sa loob ng 11 araw, ayon sa Commission on Audit.

Inirereklamo rin si VP Sara sa pagbabanta sa buhay nina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez; sa mga reklamong betrayal of public trust, bribery, plunder, graft and corruption, at iba pang high crimes na pawang grounds for impeachment.

Samantala, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco ngayong Lunes, Pebrero 3, na isusumite na niya sa Office of the Speaker ang tatlong impeachment complaints laban sa Bise Presidente na inihain sa Kamara ng iba’t ibang sektor noong Disyembre 2024.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *