Sisimulan na ng Kamara de Representantes ngayong Lunes, Enero 27, ang imbestigasyon nito kaugnay ng mga sadyang nagpapakalat ng fake news at disinformation sa social media.

“Sa mga nagpapalaganap ng kasinungalingan, binabalaan namin kayo. Sisiguraduhin natin na may pananagutan ang mga nagkakalat ng fake news—lason na sumisira sa ating demokrasya. Hindi tayo titigil hangga’t mapanagot ang mga nasa likod nito at matiyak na may tamang proteksiyon ang ating mga kababayan,” ani Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez.

Ang imbestigasyon ay isasagawa ng Tri-Committee, na binubuo ng Committees on Public Order, on Public Information, at on Information and Communications Technology (ICT), na layuning tuklasin at ilantad ang mga nasa likod ng massive disinformation machinery at ang epekto nito sa lipunan, partikular sa mga Pilipino.

“Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa mga maling impormasyong nagdudulot ng takot, kalituhan at pagkakawatak-watak ng ating lipunan,” sabi ni Fernandez.

Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa briefing ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing social media platforms upang ipaliwanag ang kanilang mga polisiya at hakbang sa pananagutan laban sa fake news, cyberbullying, at mapanirang content.

“Hindi natin hahayaang magpatuloy ang sistemang ito kung saan nalilinlang ang ating mga kababayan. Panahon na upang malaman natin ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan para sa pansariling interes,” dagdag ni Fernandez.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *