Inilunsad ng iba’t ibang youth at student leaders, kasama ang 21 impeachment complainants, ang national coalition na Leaders and Advocates of Youth for the Accountability of Sara (LAYAS) Duterte Network nitong Huwebes, Enero 23, na nagtutulak sa pagtanggal kay Vice President Sara Duterte sa kanyang posisyon.
“The Filipino people deserve a government that truly serves them—a government of the people. Justice cannot wait,” saad ni Mhing Gomez, Anakbayan chairperson.
Nanagawan ang nasabing coalition sa kanilang Facebook page nitong Biyernes, Enero 24, na ituloy ang impeachment ni VP Sara kasunod ang tatlong impeachment complaints na inihain laban dito.
“Ang nagkasala ay dapat mapanagot. Simple lang. Pinapairal ng pagharang sa impeachment complaint ang culture of impunity sa ating bansa,” saad ni Annie Nicholle Agon ng University of Santo Tomas (UST) Central Student Council.
Hinimok din nito ang taumbayan na makibahagi sa nationwide protest ng kabataan na gaganapin sa Lunes, Enero 27. May major “multi-sectoral” rally rin na gaganapin naman sa Biyernes, Enero 31, sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City.
Ulat ni Ansherina Baes