Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinalitan ng BRP Cabra ang BRP Suluan para patuloy na hamunin ang ilegal na presensya ng China Coast Guard (CCG) sa karagatan ng Zambales na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Enero 22, sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), na ang BRP Cabra ay naglayag ng 65 nautical miles sa baybayin ng Zambales o malapit sa kung saan nagpatrolya ang BRP Suluan.
“Upon arriving in the area where BRP Suluan has been monitoring CCG vessel 3103, it was noted that another CCG vessel, identified by bow number 3304, was approaching their location,” saad ni Tarriela sa kanyang post sa X (dating Twitter).
“This indicates that the CCG may anticipate the PCG deploying two vessels in response. However, as BRP Suluan made its way back to Subic, Zambales, CCG-3304 also retreated further from the coastline,” dagdag niya.
Nakikibahagi ngayon ang BRP Cabra sa hourly radio challenges sa CCG-3103 upang ipaalala sa kanila ang kanilang mga paglabag sa Philippine Maritime Zones Act ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kabilang din sa kanilang mga paglabag ang 2016 Arbitral Award ng international court sa The Hague, na nagpasya na walang legal basis ang malawakang pag-angkin ng Beijing sa South China Sea.
Matatandaan nitong Martes, Enero 21, sinabi ni Tarriela na pinalitan umano ng bagong CCG-3103 ang CCG-3304 na natagpuan sa layong 105 nautical miles mula Zambales at papalapit sa Bajo de Masinloc sa layong 28 nautical miles kamakailan.
Ulat ni Ashley Nicole Ulep