Magkakaroon ng executive meeting sa Biyernes, Enero 24, ang Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, para talakayin ang mungkahi ng ilang mambabatas na ipagpaliban ang pagpapatupad ng comprehensive sexual education (CSE) sa paaralan, dahil sa pagtutol ng ilang grupo at indibidwal.
“Titingnan namin from a legal point of view kung pwede ba naming gawin ‘yun dahil mandato ng batas ‘yun, eh… ‘Yung CSE based on Reproductive Health Law and on HIV/AIDS Prevention Law. Meron na tayong ginagawang existing,” sabi ni Angara sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Enero 22.
“Maaaring i-suspend namin to review pero ‘yung suspension na permanente, ang tingin ko as a lawyer, hindi namin pwedeng gawin ‘yun dahil batas po ‘yun eh,” dagdag ni Angara.
Nilinaw naman ng kalihim na wala sa kasalukuyang implementasyon ng programa ang mga konsepto tulad ng maagang “mstrbt*n,” at ang itinuturo sa kindergarten ay mga pangunahing kaalaman tulad ng mga bahagi ng katawan nang walang seksuwal na paksa.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome