Binanggit ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na kahit bumoto siya laban sa bicameral conference committee report ng 2025 national budget, naniniwala siyang hindi ito aaprubahan ng Kongreso kung may mga blangkong nilalaman.

“Wala akong nakitang blanko nu’ng hindi ko pinirmahan ang bicam report at nu’ng bumoto kami ni Senator Koko ng ‘no’ sa GAA. Kasi kahit kumontra ako sa budget na ‘yan in its final form ay hindi ako naniniwala na ipinasa ‘yan ng Kongreso na may blank page pa,” sabi ni Hontiveros.

Idinagdag ni Senator Hontiveros na siya at si Senate Minority Leader Koko Pimentel ay nagrehistro ng negative votes sa bicam report noong Disyembre 2024, bilang pagtutol sa zero subsidy para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at sa mga budget cut para sa Department of Education (DepEd) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Pero naman, hindi ako makapaniwala na kahit aling Kongreso natin, pati ‘yung amin ngayon, ay magpapasa ng isang panukalang batas o General Appropriations Act na may blanko pa na linya,” sabi ni Sen. Hontiveros.

Sinagot ni Hontiveros ang alegasyon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab tungkol sa mga hindi pagkakatugma sa bicam report ng kakapasa lamang na 2025 national budget.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *