Sa ginanap na ika-14 na pagdinig ng House Quad Committee nitong Martes, Enero 21, nagsalitan ang mga kongresista sa pagsabon kay Col. Hector Grijaldo, dating hepe ng Mandaluyong City Police Station, dahil sa pag-iwas nito sa mga katanungan tungkol sa kanyang isinumiteng sworn affidavit sa Senado.
“Police colonel ka, investigador ka dati. You know the basic rudiments of investigation. Alam mo dapat kung kailan i-invoke ang right against self-incrimination,” bitaw ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop kay Grijaldo.
Ang sinumpaang salaysay ni Grijaldo ay may kinalaman sa kanyang pag-akusa kina Sta. Rosa City (Laguna) Rep. Dan Fernandez at Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. na pinilit siyang idiin ang ilang personalidad sa “reward system” para sa mga pulis na sangkot sa extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ikinairita ng mga miyembro ng Quad Comm ang paulit-pulit na pagsabi ni Grijaldo ng “I would like to invoke my right to self-incrimination.”
“You made these claims, which dominated the news for weeks, and now you’re hiding behind your right against self-incrimination? This committee represents the trust of the people, and we will not allow anyone to tarnish its integrity,” sabi ni Quezon 2nd District Rep. David ‘Jay-jay’ Suarez.
Ipinunto naman ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na hindi dapat gamitin ni Grijaldo ang kanyang “right against self-incrimination” dahil kailangan lamang basahin nito sa Quad Comm ang kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Senado.
Dahil sa galit ng mga kongresista, ipinag-utos ng Quad Comm na ilipat ang kustodiya ni Grijaldo sa piitan ng Quezon City Police District Station 6 mula sa detention facility ng Kamara.