(Photo courtesy by LTFRB)
Pinagaaralan na ng Land Transportation Franchising Regulatory Office (LTFRB) ang petisyon sa “rush hour rate” na inihain ng mga jeepey at bus transportation groups halos isang taon na ang nakakaraan.
Nakapaloob sa petisyon ang pagdaragdag ng P1 sa base fare ng pampasaherong jeep at P2 naman sa city bus tuwing peak hours mula alas-5 hanggang alas-8 ng umaga, at alas-4 hanggang alas-8 ng gabi, maliban lang tuwing Linggo at holiday.
Iginiit din sa naturang petisyon na hindi dapat limitado sa TNVS (Transport Network Vehicle Service) ang “rush hour rate” kundi maging sa iba pang uri ng pampublikong sasakyan.
“Hindi natin ma-expect baka next week tumaas na ito (losses). Ito ay diktado ng world market na nag-cut sila at tayong maliliit na bansa ang kauna-unahang tatamaan,” ani Pasang Masda president Obet Martin.
Samantala, kinikilala rin ng LTFRB ang epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng mga produktong petrolyo sa kita ng mga tsuper.
“Kaya’t ito’y napaka-irregular at napaka-unusual na pagtaas. Sa mga ganitong pagkakataon, talagang mahihirapan ‘yung mga kapatid natin sa industriya. Kailangan nating tugunan ang isyung ito sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang panukala para sa dagdag-pasahe sa ilang oras lamang ng araw,” sabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Bukod sa “rush hour rate,” kinukonsidera din ng LTFRB ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong transport operators.
Ngayong linggo, magbibigay ang LTFRB ng kanilang rekomendasyon sa Department of Transportation (DOTr) na inaasahang susundan ng paglalabas ng kanilang desisyon hinggil sa naturang panukala.