(Photo courtesy of Office of Sen. Ronald de la Rosa)
Iginiit ng Department of Interior and Local Government (DILG) na dapat nang ituring bilang “final and executory” ang suspension order na inilabas laban kay Mayor Samson Dumanjug ng Bonifacio, Misamis Occidental kaugnay sa umano’y isyu ng overpriced equipment sa kanyang tanggapan.
Sinabi ng DILG na kailangan nang ipatupad ang suspension order ng Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental laban kay Dumanjug matapos mabigo itong iapela sa Office of the President ang kasong admistratibo na kanyang kinahaharap.
Ipinaliwanag ng ahensiya sa ilalim ng Administrative Order 22 s. 2011, dapat umapela si Dumanjug sa Office of the President sa loob ng 15 araw matapos ilabas ang suspension order ng provincial board.
“The 2023 Suspension Order against Mayor Dumanjug thus became final and executory. Further, there was no stay of execution issued by any proper office or court,” pahayag ni DILG Undersecretary Lord Villanueva.
Noong Agosto 1, humarap si Dumanjug sa pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee upang kuwestiyunin ang umano’y marahas at hindi makatarungang pagpapaalis sa kanya sa kanyang tanggapan ng pulis at militar noong Hunyo 16. Mahigit 30 sundalo at pulis lulan ng mga truck at armored personnel carrier ang lumusob sa munisipyo upang paalisin si Dumanjug sa kanyang tanggapan.
Sa naturang pagdinig, binatikos din ng punong-bayan ang inilabas na suspension order ng Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental laban sa kanya, na aniya, ay walang basehan.
Kasama ni Mayor Dumanjug sa reklamong “betrayal of public trust” ang bahay nitong si Evelyn, vice mayor ng munisipalidad ng Bonifacio na pinasususpinde rin ng provincial board noong Mayo.
Naniniwala si Dumanjug na may kutsabahan ang pulisya, militar at mga kalaban niya sa pulitiko sa kanilang lugar upang siya ay patalsikin sa puwesto.