Inihayag ni House Quad Committee chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers nitong Martes, Enero 21, na magsisimula ang imbestigasyon ng bagong House of Representatives tri-committee sa mga vlogger na nagpapakalat umano ng fake news tungkol sa Quad Comm at sa mga miyembro nito.
“We should have responsible blogging. Hindi naman pwede yung magkalat tayo ng fake news para lang ikasira ng ano… May kumikita eh,” saad ni Barbers.
Ayon kay Barbers, ang imbestigasyong gagawin ng tri-comm ay naglalayong bumuo ng panukalang batas para sa regulatory framework sa paggamit ng social media.
Ang unang pagdinig ng tri-comm ay gaganapin sa Pebrero 3 o 4, ayon kay Barbers.
Partikular ding babantayan ng tri-comm ang mga tinaguriang “troll farm” ng mga bayad na bashers.
“Wala po tayong pinipigilan gumamit ng social media. Anybody can express what they want to say… Ang gusto lang natin yung gagamit ng digital space ay dapat maging responsible pa rin,” saad nito.
Ulat ni Ansherina Baes