Muling naungkat ang kontrobersya sa pagkakatalaga kay Judge Aristotle Reyes sa Quezon Regional Trial Court (RTC) matapos siyang pangalanan ng House Quad Committee sa isyu ng naudlot na P6.4-B drug smuggling sa Port of Manila noong Mayo 2017.
“Si Prosecutor Aristotle Reyes na diumano matapos sampahan ng kaso ang mga FALL GUYS ay na promote na bilang RTC Judge na ngayon ay balitang diumano ay nag-a-apply bilang isang Justice ng Sandiganbayan, kung ito man ay totoo,” ayon kay Quad Comm chairman Rep. Robert Ace Barbers.
“Isang bagay na kailangang malinawan ay ang charges diumano na ginawa ni Prosecutor na sinang ayunan ng Department of Justice under Secretary Vitaliano Aguirre ay ito: Si Fidel Anoche Dee na bodegero ay sinampahan ninyo ng kaso, subalit si Chen Ju Long o Richard Tan na isang may ari mismo ng warehouse kung saan unang dinala ang mga droga ay hindi ninyo kinasuhan? Tama po ba?,” tanong ni Barbers sa ika-14 na pagdinig ng joint panel ngayong Martes, Enero 21.
“Gusto sana naming malaman ang mga dahilan kung ano at sino sino ang mga hindi nakasuhan na kasama sa imbestigasyon,” dagdag ni Barbers.
Si Reyes ay kabilang sa mga panel of prosecutor na nagdiin kina Customs broker Mark Taguba; Chen Ju Long, alias Richard Tan o Richard Chen; Li Guang Feng, alias Manny Li; Dong Yi Shen, alias Kenneth Dong; Eirene Mae Tatad; Teejay Marcellana; Chen Min; Jhu Ming Jhun; at Chen Rong Huan dahil sa naudlot na P6.4 bilyong shabu shipment noong 2017.
Subalit ayon sa Quad Comm, ito ay sa kabila na ang mga ebidensyang ginamit sa mga pinatawan ng “guilty” verdict ay itinanim ng mga awtoridad.
Sa mga nakaraang Quad Comm hearing, idinawit ni Taguba at iba pang testigo sina Congressman Paulo ‘Pulong’ Duterte at Atty. Mans Carpio (asawa ni Vice President Sara Duterte) na nasa likod diumano ng naturang drug shipment.