Sa ika-14 na pagdinig ngayong Martes, Enero 21, ng House Quad Committee sa isyu ng extra judicial killings at illegal drugs na diumano’y laganap noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ipinagtataka ng mga lider ng House Quad Committee kung bakit walang tauhan o opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na kinasuhan sa nabuking na P6.4 bilyong shabu smuggling attempt noong 2017.
“Hindi din kinasuhan ang mga tauhan ng Customs na nagpalabas ng kargamentong may lamang droga diumano at sa halip ay kinasuhan si Mark Taguba ng conspiracy to import drugs at kung tama ang impormasyon ay facilitating the smuggling of drugs from the Bureau of Customs, kung saan wala naman siyang kontrol?,” tanong ni House Quad Committee chairman Rep. Robert Ace Barbers.
“Hinahanap ng Quadcom ang hustisya. Hinahanap naming ang tunay na may ari ng droga. Ang mga tunay na nag angkat o nag import nito. Ang mga may impluwensya sa mga tauhan ng Customs na syang nagpalabas ng kargamento ng walang inspeksyon man lamang,” ayon kay Barbers.
Imbes na mga taga-Customs ang kinasuhan at nakulong, ang mga personalidad na itinuturing na “fall guys” ang nagdurusa ngayon sa mga piitan dahil sa kutsabahan ng matataas na opisyal ng gobyerno sa mga ilegal na gawain.
“If these people who are now going to spend the good years of their lives in jail are indeed guilty, the investigators should not have stopped with them but should have determined the real culprits. If however, these people are necessary FALLGUYS in order to COVER UP THE TRUTH, then we have committed a grave injustice which we are now compelled to
rectify,” giit ni Barbers.
Kabilang sa mga nakulong ay si Mark Taguba, isang fixer sa BOC, na nagdiin kina Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go; Davao City 1st District Rep. Paulo ‘Pulong’ Duterte; Atty. Mans Carpio na asawa ni Vice President Sara Duterte na nasa likod ng nabuking na shipment ng 602 kilo ng shabu noong Mayo 26, 2017.