Naniniwala si Atty. Salvador “Sal” Panelo na “black propaganda” lang ang disbarment case na inihain nitong Biyernes, Enero 17, sa Korte Suprema laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Walang humpay ang black propaganda laban kay dating Pangulong Duterte. Puro paninira ‘yan,” saad ni Panelo.
Inihain ito ng human rights group at mga kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) na diumano’y napatay sa kasagsagan ng “war on drugs” na ipinatupad ng Duterte administration.
Ayon kay Panelo, hindi umano pag-aamin ang ginawa ni Duterte noong siya ay dumalo sa isang hearing ng House Quad Committee bilang resource speaker sa imbestigasyon ng komite sa naganap na drug war noong administrasyon ni Duterte.
Hindi rin umano matatawag na kriminal si Duterte dahil kailanman ay hindi ito idinemanda ng criminal case, ayon kay Panelo.
Iginiit din niya na “expression” lamang ang pagmumura ni Duterte at idinagdag pa nito na “tayong lahat ay nagmumura to show our outrage in a particular circumstance or incident.”
“Ang magiging dahilan lamang ng disbarment ay kung ang isang miyembro ng bar profession ay nag-commit ng mga iregularidad kaugnay sa batas, kaugnay sa mga reglamento ng Integrated Bar of the Philippines,” sabi ni Panelo.
“Wala hindi papasok yun. I-di-dismiss kaagad yun,” dagdag nito.
Ulat ni Ansherina Baes