Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes, Enero 17, na muli itong naglabas ng radio challenge laban sa “monster ship” ng China Coast Guard (CCG) habang ilegal itong nagpapatrolya sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
“Today, this vessel has been reported to be operating unlawfully at a distance of 60-70 nautical miles from Philippine territory,” saad ng PCG sa isang pahayag na ibinahagi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa PCG, hinamon ng barko nito na BRP Gabriela Silang (OPV-8301) ang CCG 5901 na kinikilalang “monster ship.”
Gayunpaman, sa kabila ng maraming radio communication ng PCG, nagpatuloy ang Chinese vessel sa ilegal na operasyon nito, ayon sa PCG.
“The PCG emphasizes that the Philippines’ authority in these waters is in accordance with the Philippine Maritime Zones Act, the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), and the 2016 Arbitral Award,” dagdag nito.
Ang “monster ship”—na kinikilala bilang pinakamalaking barko ng coast guard sa mundo—ay nauna nang namataan sa layong 54 nautical miles mula sa Capones Island, Zambales.
Lumipat ito malapit sa Lubang Island sa Occidental Mindoro at pagkatapos ay muling ipinadala at pumuwesto sa layong 97 nautical miles sa baybayin ng Zambales.
Nanawagan ang Pilipinas sa China noong Martes, Enero 14, na paalisin ang CCG vessel 5901 mula sa karagatan ng Pilipinas.
Ulat ni Ashley Nicole Ulep