Nais imbestigahan ng ‘Young Guns’ bloc ang umano’y misuse ng public funds sa Bauan, Batangas sa ilalim ni Mayor Ryanh Dolor.
Inihain na ng ‘Young Guns’ sa Kamara de Representantes ang House Resolution No. 2148 na naglalayong imbestigahan ang umano’y iregularidad sa paggamit ng public funds ng mga tanggapan ng mayor at vice mayor sa Bauan, Batangas.
Ito ay batay sa Notice of Disallowance na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong Nobyembre 2018 matapos makita ang irregularities sa bidding process at transaction sa Aquadata, Inc.–ang nagmamay-ari sa Bauan Waterworks System (BWS), na binigyan ng General Management Contract (GMC) “despite failing to meet legal and financial qualifications.”
Idinagdag pa sa nasabing resolusyon na nagresulta sa “grossly disadvantageous revenue-sharing arrangement” ang privatization ng BWS sa ilalim ng GMC dahil nasa Aquadata, Inc. ang 95 porsyento ng net revenues habang limang porsyento lamang ang napupunta sa munisipyo na “led to substantial financial losses for the local government.”
Bukod dito, ang pagbebenta ng BWS facility sa mababang halaga na P100,636,000 at hindi sa tamang halaga nito na P148,000,000 ay lalong nagpalala sa pagkalugi ng munisipalidad.
Nabanggit din dito ang irregularities sa privatization o ang umano’y pagpapaupa ng lupa sa water utility provider na Aquadata, Inc., na maaaring labag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices Act.
Ulat ni Ansherina Baes