Inihayag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas) ngayong Biyernes, Enero 17, na ang patuloy na paglalayag ng mga barko ng China at Estados Unidos sa West Philippine Sea (WPS) ay nagdudulot ng banta sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Muling nanawagan ang PAMALAKAYA-Pilipinas na “i-demilitarize” ang West Philippine Sea (WPS), bilang tugon sa presensya ng mga barko mula sa China at Estados Unidos.
“Para sa aming mga mangingisda, walang inosente sa mga pagdaan ng barko ng U.S. at China sa West Philippine Sea, dahil kapwa ito mapang-udyok sa isa’t-isa,” sabi ni PAMALAKAYA vice chairperson Ronnel Arambulo.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), patuloy na nanatili ang dambuhalang barko ng China malapit sa baybayin ng Zambales nitong Huwebes, Enero 16, sa kabila ng panawagan ng Pilipinas na iurong ang barko. Unang kinumpirma ng PCG ang presensya ng Chinese vessel malapit sa Capones Island noong Enero 4, 2025.
“Hindi hiwalay ang dalawang insidente ng paglalayag ng mga barkong pandigma ng US at China sa ating karagatan. Sa bawat paglalayag ng isa ay tiyak na tinatapatan ng kagayang paglalayag ng karibal nitong bansa,” saad ni Arambulo.
Ulat ni Britny Cezar