Kinuwestiyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile nitong Miyerkules, Enero 15, ang umano’y pagsuporta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag ituloy ang impeachment ni Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng “National Rally for Peace” nitong Lunes, Enero 13.
Ipinaliwanag ni Enrile na ang impeachment ay “just a constitutional legal process” para tanggalin ang mga opisyal mula sa kanilang opisina at hindi para ikulong ang mga ito.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang President, Vice President, mga miyembro ng Korte Suprema, at constitutional commissions, maging ang Ombudsman ay impeachable public officers.
Nagbabala si Enrile na kung susundin ng mga Pilipino ang ‘logic’ ng INC rally at hindi hahayaang mangyari ang impeachment kay VP Sara, magkakaroon ng “very detrimental precedent” sa bansa.
Ayon sa INC, na kilala sa bloc voting tuwing eleksyon, hindi umano political gathering ang ginanap na rally.
Sinabi naman ni SAGIP Rep. Rodante Marcoleta, miyembro ng INC, na wala umanong kinakampihan ang INC at hinihiling lamang nila ang umano’y “work together” nina PBBM at VP Sara.
Samantala, hindi nabahala ang Malacañang sa naging pahayag ni Enrile, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Huwebes, Enero 16.
Ayon kay Bersamin, ang Pangulo ay “always nurtured a culture of open ventilation of ideas” sa mga miyembro ng Gabinete.
“While his thoughts may carry weight and are always valued, his is one of many that the President seriously considers. Nonetheless, the President’s stand on the issue concerned remains unchanged,” dagdag niya.
Ulat ni Ansherina Baes