Posibleng tumaas ang singil sa transmission rates ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa susunod na buwan dahil magsisimula nang maningil ang kumpanya para sa ginastos nito sa standby power capacity sa nakaraang summer o panahon ng tag-init.
“In the next NGCP billing statement that will be given to customers next month, we will see the collection of 70 percent of the AS (ancillary) service charge that was not billed by generators from the March 2024 billing period,” ani NGCP spokesperson Cynthia Alabanza.
Sinabi ni Alabanza na hinihintay lamang nila ang official computation ng rate impact mula sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc. (IEMOP)
Ang IEMOP ang nagsisilbing operator ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), kung saan nagaganap ang kalakalan sa pagitan ng power producers at distributors upang palakasin ang kanilang supply. Dito lumilitaw na mas mataas ang power rates tuwing panahon ng tag-init.
Ibinebenta ng mga power generation firm ang kanilang reserve sa “reserve market” na isang plataporma na kabilang sa WESM.
Nitong Disyembre, inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang go-signal para marekober ng mga power generator ang P3.05 bilyon na kumakatawan sa natitirang 70 porsyento ng reserve trading amount.