Ibinahagi ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa Facebook nitong Lunes, Enero 13, na dadalo ang Magdalo party-list sa tatlong pro-impeachment ‘events’ na gaganapin ngayong buwan.
“Ituloy ang impeachment ni Sara! The Magdalo Partylist will join the (following) pro-impeachment events,” caption ni Trillanes sa kanyang post sa social media.
Una ay ang rally na gaganapin sa EDSA Shrine sa Huwebes, Enero 16, kasunod ang rally sa EDSA People Power Monument na gaganapin sa Sabado, Enero 18, at panghuli, ang multi-sectoral rally na gaganapin sa Enero 31.
Inihayag ito ni Trillanes matapos ang ginanap na “National Rally for Peace” ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand nitong Lunes.
Samantala, kasama ang Magdalo sa 17 complainants na naghain ng unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte batay sa grounds na umano’y culpable violation ng Konstitusyon, graft, corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
Ulat ni Ansherina Baes