Inanunsyo ng Office of the Vice President (OVP) ngayong Miyerkules, Enero 15, na wala itong matatanggap na pondo para sa medical at burial assistance program ng OVP mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Sa ilalim ng 2025 GAA ay hindi naaprubahan ang pondo ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo para sa Medical and Burial Assistance Programs,” pahayag sa Inday Sara Duterte official Facebook page.
Sa ilalim ng 2025 national budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., makatatanggap ang OVP ng P733 milyong alokasyon ngayong taon na may malaking kabawasan mula sa P2.037 bilyong pondo na hiniling ng tanggapan ni VP Sara.
Tinapyasan ng Kamara ang OVP budget para sa kasalukuyang taon matapos ilang ulit na tumanggi si VP Sara na ipaliwanag kung saan ginastos ang P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa kanyang tanggapan at Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan.