Inanunsyo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ngayong Lunes, Enero 13, na magkakaroon ng malawakang imbestigasyon sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng mga drug haul mula noong 2016, kasunod ng pagsasampa ng criminal charges laban sa hindi bababa sa 30 pulis.

“Yes, we will go back to 2016 all the way down to 2022… it is our theory, but not proven, na dahil sa reward system na ginawa na instituted by the PNP when 2016 started, ang drug haul ay di nirereport at dahil may reward, kukuha sila ng tingi ilalagay doon, may reward, may accomplishment,” sabi ni Remulla.

Nagmula ang pahayag ni Remulla matapos ipag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa 30 pulis kaugnay ng pagkakakumpiska nang mahigit 900 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa serye ng mga anti-drug operation sa Maynila.

Sinimulan ng dating administrasyong Duterte noong 2016 ang isang marahas na kampanya laban sa ilegal na droga na kumitil ng libu-libong buhay. Kaugnay nito, naiugnay ang kampanya sa mga paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso ng kapangyarihan ng ilang awtoridad.

”Ang gusto namin magkaroon ng institutional memory ang bawat department, from drug enforcement to cybercrime to administration to investigation… dapat specialized na talaga ang mga policemen,” saad ni Remulla.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *