Umabot sa P530 milyon ang confidential funds na ginastos ng Davao City noong 2023, mas malaki sa pinagsama-samang halaga ng nagastos na confidential funds ng pitong pinakamayayamang siyudad sa bansa, na may kabuuang P529.5 milyon, base sa financial statements na isinumite sa Commission on Audit (COA).
Sa ilalim ng pamumuno ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte, pumalo sa kabuuang P530 milyon ang confidential funds na ginastos ng lungsod, ayon sa financial statements na isinumite ng siyudad sa COA.
Ito ay nadagdagan ng P70 milyon, o may 15.22 porsiyentong pagtaas, kumpara sa P460-million confidential funds na nagastos ng Davao City noong 2022.
Samantala, nasa P529.5 milyon ang kabuuang confidential funds na ginastos ng pitong pinakamayayamang siyudad sa bansa: Quezon City, Makati City, Maynila, Parañaque City, Mandaue City, at Cebu City.
Simula 2016, o sa panahong naluklok sa presidency ang dating mayor ng Davao City na si Rodrigo Duterte, tuloy-tuloy ang pagtaas ng confidential funds ng siyudad—na magkasunod na pinamunuan ng mga anak niyang sina ngayon ay Vice President Sara Duterte (2016-2022) at Mayor Baste (2022-present).
Narito ang listahan ng confidential funds ng Davao City simula 2016, ayon sa COA:
2016 – P144 milyon
2017 – P293 milyon
2018 – P420 milyon
2019 – P460 milyon
2020 – P460 milyon
2021 – P460 milyon
2022 – P460 milyon
2023 – P530 milyon
Base sa Joint Circular No. 2015-01, ang paggastos ng mga lokal na pamahalaan sa confidential funds ay limitado lang sa mga programang may kinalaman sa peace and order.
Sa kasalukuyan, isyu ng confidential funds pa rin ang kinukuwestiyon kay VP Sara, kaugnay ng paggastos niya umano ng P612.5-million confidential funds noong 2022 at 2023—na sa huli ay naging sentro ng tatlong impeachment complaints na inihain laban sa kanya noong nakaraang buwan.