Matatandaang inendorso ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang unang impeachment complaint na inihain laban sa Bise Presidente noong Disyembre 2, 2024.

“Nag-monthsary na ‘yung impeachment complaint na finile natin… kinakailangang talagang aksiyunan na. One month without holding Sara accountable is giving a very bad example to other government officials, public officials na ‘yung pag-abuso sa kapangyarihan ay dapat pinaparusahan,” ani Cendaña.

“Hindi puwedeng hindi gumalaw. It’s incumbent upon the leadership of the House to take action and to give fair attention to this impeachment complaint kasi ‘yan ang nandoon sa Constitution at nandoon sa ating rules sa Mababang Kapulungan,” sinabi ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña tungkol sa mga impeachment complaints na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinundan ito ng paghahain ng pangalawang reklamo noong Disyembre 4, habang ang ikatlo ay inihain sa Kamara noong Disyembre 19.

Sa panayam ng GMA News, kinumpirma naman ni House Secretary General Reginald Velasco na naberipika na ng Kamara ang tatlong impeachment complaints at pupuwede nang maisumite sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez.

Sa parehong interview, nagpaliwanag si Velasco na hindi naman masasabing nade-delay ang transmittal ng mga reklamo.

“The House of Representatives cannot act on it until magkaroon ng session which is January 13. So, wala rin gagawin ang House kung on break pa sila. So, wala eh, wala namang mapapala kung i-transmit ko kaagad kung wala pa rin session,” paliwanag ni Velasco.

Una nang inianunsiyo ni Velasco na posibleng may ikaapat pang impeachment complaint na ihain laban kay VP Sara—na pangunahing inirereklamo sa hindi niya maipaliwanag na paggastos sa P612.5-million confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023.