Ideneklara ng mga anonymous cybersecurity expert nitong Martes, Enero 7 na ninakaw umano ng Chinese state-affiliated hacking group na “APT41” ang mga datos mula sa Office of the President (OP) kaugnay ng territorial dispute ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.
“So far… no current information has been compromised. What we have seen so far are old data from many years ago that are being…recycled just to make an impression that they were successful in (hacking),” saad ni DICT Secretary Ivan John Uy.
Ito ay bahagi umano ng pangmatagalang espionage campaign ng China sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng Pilipinas kung saan halos lahat ng naganap na hacking ay noong 2023 hanggang Hulyo 2024 pa.
Noong Mayo 2024, sumulat umano si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isa sa mga cybersecurity experts na nakatuklas at nagbalita ng pangha-hack sa executive branch ng pamahalaan at hiningi umano ang mga detalye tungkol sa nasabing pangha-hack.
Inihayag naman ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy sa ginanap na press briefing nitong Martes, Enero 7, na “constantly under attack” ang Office of the President mula sa hackers, persistent threat actors man o hindi, “over the years.”
Gayundin ang sagot ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na “daily occurrence” na umano ang pangha-hack at sinabing “what is important is we are able to detect and we are able to deter these attacks.”
Gayunpaman, iginiit ni Uy sa nasabing press briefing na “no current information has been compromised” at nire-recycle lang umano ng hackers ang kanilang nanakaw na impormasyon upang makabuo ng ‘impression’ na nagtagumpay ang mga ito sa pangha-hack.
Tiniyak naman ni Uy na walang natangay na “more sensitive data” ang mga hacker dahil na-detect nila ito agad.