Apat sa bawat 10 Pilipino ang nagsabing pabor sila sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).
Base sa survey na isinagawa ng SWS noong Disyembre 12 hanggang 18 ng nakaraang taon, lumitaw na 41 porsyento ng mga Pinoy ang sumusuporta sa impeachment laban kay Duterte, habang 35 porsyento ang kontra sa naturang hakbang.
Labinsiyam na porsyento ang “undecided” habang ang natitirang bilang ay nagsabing hindi nila kabisado ang isyu.
Ang Luzon sa labas ng Metro Manila ang may pinakamalakas na panawagan na ituloy ang impeachment laban kay VP Sara kung saan aabot sa 50 porsyento ang nagsabing ituloy ang hakbang na mapatalsik siya sa puwesto at 25 porsyento ang kontra rito.
Labinwalong porsyento ang “undecided” habang pitong porsyento ang nagsabing hindi nila gamay ang isyu.
Ito ay sinundan ng Metro Manila na may 45 porsyentong pabor sa impeachment habang 37 porsyento ang kontra. Nasa 14 porsyento naman ang “undecided” sa National Capital Region habang apat na porsyento ang walang sapat na kaalaman sa impeachment complaint.
Ang Visayas region ang may pinakamataas na bilang ng mga “undecided” na pumalo sa 24 porsyento habang 40 porsyento ang pabor sa impeachment, 33 porsyento ang kontra, at apat na porsyento ang kulang sa impormasyon.
Samantala, ang Mindanao ang mayroong pinakamaraming kontra sa impeachment na umabot sa 56 porsyento habang 22 porsyento ang pabor sa naturang hakbang.
Nasa 18 porsyento ang “undecided” sa rehiyon at apat na porsyento ang “uninformed,” ayon sa SWS survey kung saan umabot sa 2,160 respondents ang na-interview sa isyu.