Inirekomenda ng House Quad Committee ang mahigpit na aksyon laban kay dating presidential spokesperson subalit ngayo’y isang “fugitive” na si Harry Roque, kasunod ng mga ebidensyang ipinakita sa mga pagdinig na nag-uugnay sa kanya sa operasyon ng Lucky South 99, isang kontrobersyal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sa 51-page committee report na isinumite noong Disyembre 18, binigyang-diin ng Quad Comm ang umano’y papel ni Roque sa pag-organisa ng mga pagpupulong sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa kanyang mga kaugnayan sa mga kahina-hinalang financial transaksiyon at hindi maipaliwanag na yaman ng kanyang pamilya.
Binigyang-diin ng komite na si Roque “acted as the legal counsel of Lucky South 99 and facilitated meetings with PAGCOR officials to address POGO compliance issues.”
Sinabi pa nito na ang kanyang mga aksyon ay sumasalamin sa isang pattern na karaniwang nakikita sa kung paano nase-set up ang mga POGO.
Tinukoy ng ulat ang makabuluhang financial growth sa loob ng korporasyon ni Roque, ang Biancham Trading Inc., na nakitaan ng paglago ng assets mula P125,300 noong 2014 hanggang P67,775,300 noong 2018.
Iniugnay ni Roque ang paglagong ito sa pagbebenta ng ari-arian ng pamilya sa Parañaque ngunit nabigo siyang magbigay ng mga supporting document sa kabila ng paulit-ulit na requests at subpoena duces tecum.
Samantala, inirerekomenda ng komite na mag-apply ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa isang freeze order sa mga ari-arian ni Roque, dahil ang mga ito ay maaaring “materially linked, relate to, o involve predicate offenses” sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.
Inatasan din ang AMLC na magsagawa ng full audit sa mga bank account ni Roque at imbestigahan ang kanyang mga transaction na nauugnay sa aktibidad ng POGO.
Ulat ni Ashley Nicole Ulep