Aminado si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na dati siyang nag-TNT (tago nang tago) sa Estados Unidos dahil umano sa pagnanais niyang magkaroon ng pantustos sa kanyang pamilya.

“Kung pagiging TNT ko ho, kung pagiging undocumented alien ko po eh bawal po ako magsilbi, bawal na po ako magtrabaho sa ating bayan, na ginawa ko lang naman ‘yon para mapakain ‘yung mga anak ko … kung kasalanan ho ‘yon sa tingin ninyo, then guilty po ako,” sabi Tulfo.

Nagsalita si Tulfo tungkol sa isyu matapos maging hot item sa social media ang diumano’y panlilinlang nito sa sambayanang Pilipino nang maghain ito ng certificate of candidacy sa pagkasenador sa May 2025 elections bilang isang bonafide Filipino citizen.

Subalit kamakailan, ilang vlogger ang bumatikos kay Tulfo dahil isa umano itong US passport holder.

“Ngayon, kine-kwestyon ako ng ilang mga vlogger […]. Sabi, ‘May karapatan pa ba yan (na) tumakbo bilang senador, bilang mataas na opisyal ng bayan natin? Walang kredibilidad. Walang integridad,’” sabi ni Rep. Erwin sa kanyang radio program “Punto Asintado” ngayong Lunes, Enero 6.

“Pero ito lang masasabi ko: Wala po akong nilabag na batas dito sa ating bayan. Wala po akong nilokong tao, ni isang Pilipino. Maging sa Amerika no’ng nandoon po ako. Wala po akong ini-estafa. Wala po akong in-scam na mga Pilipino, maging na mga Amerikano. Wala po akong niloko,” dagdag niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *