Nanawagan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa liderato ng Kamara na aksiyunan na ang tatlong impeachment complaints na inihain ng iba’t ibang sektor laban kay Vice President Sara Duterte sa pagsusumite ng mga iyon sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez.
“Ang taumbayan talagang nag-aantay na nitong impeachment proceedings. Baka kasi nagpapadala ang (House) leadership doon sa sinasabi ni President Marcos, at ‘saka ‘yung mga banta ng ilang religious groups kaugnay doon sa posisyon nila sa impeachment. Gusto natin talaga maparusahan ang opisyal na gumagawa ng katiwalian o corruption sa pondo ng mamamayan,” ani Castro.
Base sa patakaran ng Kamara, ang isang naberipika nang impeachment complaint ay dapat ihain sa Office of the House Secretary General at “immediately referred to the Speaker,” na isasama naman iyon sa Order of Business sa loob ng 10 session days pagkatapos itong matanggap ng leader ng Kamara.
Kasunod nito, ire-refer na ang impeachment complaint sa House Committee on Justice sa susunod na tatlong araw.
“Ang balita namin, naroon pa rin sa Office of the Secretary General. Dapat nga aksiyunan na ito ng leadership,” ani Castro.
Nitong Huwebes, Enero 2, inianunsiyo ni Secretary General Reginald Velasco na may ikaapat pang impeachment complaint na ihahain sa Kamara sa susunod na linggo laban sa Bise Presidente.
Pangunahing diniinan sa tatlong impeachment complaints—inihain nitong Disyembre 2, 4, at 19—ang iniimbestigahang paggastos ni VP Sara sa P612.5-million confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023. Gayundin ang betrayal of public trust, bribery, plunder, graft and corruption at iba pang high crimes.
Una nang itinanggi ni VP Sara na hindi totoo ang mga paratang sa kanya kaugnay ng paggastos niya sa confidential funds, iginiit na isa lamang iyong political attack laban sa kanya.
@Sha Soriano