Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Huwebes, Enero 2, na malapit na matapos ang pagbabalangkas ng “enhanced” guidelines sa paglalabas ng pondo para sa kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), ayon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Makikipagpulong si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ngayong Biyernes, Enero 3, kasama ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA) para balangkasin ang bagong guidelines.

Ito ay kaugnay sa inaprubahang 2025 General Appropriations Act (GAA) sa paglalaan ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), isang uri ng social assistance para sa mga low-income workers sa ilalim ng poverty line. Makatutulong umano ito sa nasa limang milyong grantees ngayong taon.

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, magtatrabaho nang mabilis ang ahensya para mailabas ang mga pondo dahil nasa conditional release status ito.

“We look forward to enhancing [current guidelines] with DOLE and NEDA, as stipulated by budget provisions,” ani Dumlao.

Sa kabila ng mga tanong ng ilang mambabatas, kabilang ang kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos, hindi na-veto ng Pangulo ang P26-bilyong pondo para sa programa.

Gayunpaman, sinabi ng Pangulo na gusto niyang mailabas lamang ang pondo pagkatapos ng “convergence” sa pagitan ng DSWD, bilang namumunong ahensya, at ng dalawa pang nasabing ahensya.

Samantala, nitong Nobyembre noong nakaraang taon, nangako ang ilang House leaders, kasama ang vice chairpersons of the committee on appropriations na ipaglalaban nila ang pagpapanatili ng pondo ng AKAP sa 2025 national budget at iginiit na ito ay naging “lifeline” para sa milyun-milyong minimum wage earners na ineligible para sa government assistance para sa mga mahihirap.

Ulat ni Ashley Nicole Ulep

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *