Hindi kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa patuloy na pagsipa ng presyo ng sibuyas.
Nauna nang pinagpapaliwanag ni Ombudsman Samuel Martires ang ilang matataas na opisyal ng DA at Food Terminal Incorporated (FTI) hinggil sa kung ano ang sanhi ng pagsipa ng presyo ng sibuyas sa antas ng mga magsasaka pa lamang.
Ani Martires sa isang panayam, gusto lamang nilang makakalap ng impormasyon sa mga undersecretary ng DA at opisyal ng FTI hinggil sa isyu ng overpricing ng sibuyas na umabot sa P800 kada kilo para matukoy kung sino ang dapat kasuhan.
Nauna nang sinulatan ng Ombudsman ang hindi nabanggit na mga opisyal tungkol sa isyu at binigyan ang mga ito ng tatlong araw para ibigay ang kanilang paliwanag.
Ayon kay Martires, umaasa siyang tutugon ang mga ito sa imbestigasyon ng Ombudsman dahil kung hindi, kakasuhan ng contempt o obstruction of justice ang mga ito.