Puspusan na ang paghahanda ng Department of Agriculture (DA), partikular ang National Food Authority (NFA), sa inaasahang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa bansa, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Ang paghahanda ng Department of Agriculture when it comes to El Niño and, all the necessary interventions ay, again, na-coordinate natin with our regional field offices so as to ensure na responsive tayo dito sa magiging epekto ng El Niño,” ani Agriculture Assistant Secretary for Operations Arnel de Mesa sa isang press briefing sa Malacañang noong ika-1 ng Agosto.
Ayon kay De Mesa, puspusan na rin ang koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno para mabawasan ang epekto ng mahabang dry season na inaasahang mararanasan sa bansa sa mga huling buwan ng kasalukuyang taon at pinangangambahang tatagal ito hanggang sa mga unang bahagi ng 2024.
“We need to coordinate very closely with the National Irrigation Administration (NIA) para doon sa timing ng planting of rice,” paliwanag ni De Mesa.