(Photo courtesy by Western Command Armed Forces of the Philippines)
Isinantabi ng Senado ang mga panawagan na idulog sa United Nations General Assembly (UNGA) ang tungkol sa umano’y pandarahas ng China sa mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS).
Sa halip, naglabas na lamang ng resolusyon ang Mataas na Kapulungan na kumukondena sa aksiyon ng China sa pinagtatalunang teritoryo.
Noong ika-1 ng Agost, inaprubahan ang Senate Resolution No. 718, kung saan pinipigilan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na idulog sa UNGA ang usapin hinggil sa WPS base sa unang rekomendasyon nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Minority Deputy Floor Leader Sen. Risa Hontiveros.
Magugunitang naghain sina Zubiri at Hontiveros ng magkahiwalay na resolusyon na humihimok sa DFA na isangguni sa UNGA ang mga insidente ng pandarahas ng China sa mga mangingisdang Pinoy na pumapalaot sa WPS.
Subalit, pagkatapos ng isang closed door meeting, nagdesisyon ang mga senador na pagsamahin na lang ang naturang mga resolusyon sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 718.
Samantala, sinabi ni Sen. Allan Peter Cayetano na mas malakas ang mungkahing nilalaman ng huling resolusyon dahil mas malawak ang saklaw nito at may kasama pang rekomendasyon na maglatag ng contigency measures sakaling lumala ang sitwasyon sa WPS.
Aniya pa, hindi naging madaling makuha ang suporta ng mga senador hinggil sa kanyang mga rekomendasyon subalit nagkasundo rin bandang huli matapos ng malalimang debate sa isyu.