Nanawagan ang House Quad Committee na ipursige ang imbestigasyon sa diumano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio, at iba pa nilang kasamahan.

Binigyang halaga ng House Quad Committee ang mga testimonya nina former Bureau of Customs (BOC) intelligence officer Jimmy Guban at former customs fixer na si Mark Taguba sa 51-page progress report na isinumite ng panel noong Disyembre 18.

Ayon kay Guban, binalaan umano ito ng reporter na si Paul Gutierrez na huwag makialam sa shipments na umano’y pagaari ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, asawa ni Vice President Sara Duterte na si Attorney Manases Carpio, at Hong Ming Yang o mas kilala bilang “MIchael Yang.”

Ang nasabing shipment ay kinabibilangan ng mga magnetic lifters na naglalaman ng P11 bilyong halaga ng illegal na droga na nakumpiska ng Philippine Drug Enforcment Agency (PDEA) noong 2018.

Naitago diumano ang nasabing illegal drug shipments dahil sa “corrupt network of government officials and brokers within the Bureau of Customs (BOC),” ayon sa testimonya ni Guban na sinuportahan ni Taguba.

Inihayag naman ni Taguba na required umano ang mga shipper na magbayad ng weekly bribes na tinatawag na “Tawa System” upang masiguro ang mabilis na proseso ng mga shipment sa BOC.

Nabanggit din nito na pinilit ito na magbayad ng “enrollment fee” na nagkakahalagang P5,000,000 upang maprotektahan ng tinaguriang “Davao Group” na tumutukoy kina Duterte at Carpio.

Iniabot kay Davao City 1st District Councilor Nilo “Small” Abellera, Jr. ang nasabing enrollment fee bago maalis ang alert sa kaniyang mga shipment.

“Key individuals involved in the illegal drug trade in the country, whether as importers or producers of drugs, appear to be linked to the ‘Davao Group’ or to the family of former President Rodrigo Roa Duterte, including Paolo Duterte and Atty. Manases Carpio, the husband of Vice President Sara Duterte,” sabi ng komite.

Inirekomenda naman ng komite na imbestigahan ang mga naging rebelasyon, partikular na may kaugnayan kina Carpio, Duterte, Abellera, Gutierrez, Benny Antiporda, Jojo Bacud, “Tita Nanie”, at Allen Capuyan, maging ang mga balita tungkol sa pagkakasangkot ng ilang personalidad sa illegal drug trade.

Ulat ni Ansherina Baes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *