Lampas 4,000 miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nananatili pa rin sa members database, habang kung hindi kulang-kulang ay mali-mali ang milyun-milyong iba pang datos ng kumpanya, pagbubunyag ng Commission on Audit (COA).
Ayon sa taunang audit report ng COA, kulang at maraming mali ang data entries ng 1.3 milyong benepisyaryo ng PhilHealth, bukod pa sa halos 270,000 miyembrong senior citizen ang nagdoble ang entry, at 4,062 pumanaw nang miyembro ang nananatili pa rin sa PhilHealth Members Database (PMD) at sa billings ng Department of Budget and Management (DBM).
Ipinunto rin ng COA sa report nito na natukoy sa datos ng matatandang miyembro na 1.3 milyong enrolled beneficiaries, o 15.55 porsiyento ng kabuuan, ang kung hindi kulang-kulang ay maraming maling detalye.
Kabilang sa mga ito ang middle initial lang, sa halip na buong middle name ang naka-encode; walang middle name; mali ang spelling ng pangalan; hindi na-encode ang first at second names, at iba pa.
Binanggit din ng COA ang pagdodoble, at minsan ay triple pang data entries ng 266,665 senior citizens na miyembro ng PhilHealth.