Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na mayroong isa o dalawa pang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na posibleng ihain sa Kamara ng ilang grupo sa mga susunod na araw.
Sa panayam sa radyo ngayong Martes, Disyembre 17, sinabi ni Velasco na may natanggap siyang impormasyon mula sa hanay ng mga mambabatas na mayroong isa hanggang dalawa pang impeachment complaint laban sa Bise Presidente ang posibeng ihain sa mga susunod na araw.
Sa kasalukuyan, dalawa na ang impeachment complaint ang naihain na sa Kamara laban kay VP Sara.
Aniya, handa naman ang kanyang tanggapan na tanggapin ang mga karagdagang impeachment complaint sakaling mayroong pang pormal na ihahain ang iba’t ibang grupo na nagnanais na patalsikin sa puwesto si VP Sara bunsod ng patung-patong na kontrobersiya na kanyang kinahaharap.
Kabilang sa mga kontrobersiya na bumubulabog kay Duterte ay ang P612.5 milyon confidential fund na nilustay diumano ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte.
Aminado naman ang opisyal na gipit na sa oras ang mga miyembro ng Kamara sakaling ipupursige ang proseso ng impeachment dahil malapit nang magsimula ang campaign period para sa May 2025 elections.